-- Advertisements --

Malaki na umano ang nabawas sa bilang ng mga naitatalang spam messages sa pamamagitan ng text o short messaging system (SMS).

Ito ang sinabi ni Trade Usec. Ruth Castelo, kasunod ng ipinairal na alerto sa publiko laban sa mga ganitong modus operandi ng hackers at scammers.

Ayon kay Castelo, dapat maging alerto na ang publiko na agad i-block ang anumang matatanggap na mensahe, lalo na kung humihingi na ito ng mahahalagang impormasyon, kagaya ng one time pin code, buong pangalan, birthday at numero ng ATM cards.

Para naman kay National Privacy Comm. Raymund Liboro, maaaring nabawasan na ang spam messages sa text, ngunit maaari pa rin itong matanggap sa messenger, email at iba pang messaging system, kaya kailangan pa rin na manatiling alerto.

Patuloy aniyang nakikipag-ugnayan ang kanilang tanggapan sa online banking firms, para maagapan ang mga iligal na transaksyon ng ilang grupo.