Adrien Broner

Isinailalim ng isang korte sa estado ng Ohio sa dalawang taong probation ang American boxer na si Adrien Broner matapos maghain ng guilty plea sa kasong misdemeanor.

Nag-ugat ang kaso sa umano’y puwersahang panghahalik ni Broner sa isang babae sa nightclub sa Cleveland noong Hunyo ng nakaraang taon.

Sasalang sana sa paglilitis si Broner kaugnay sa hinaharap nitong felony charges na gross sexual imposition at abduction, pero sa halip ay nag-plead guilty ito sa misdemeanor charges na assault at unlawful restraint.

Dahil dito, sisintensyahan sana ni Cuyahoga County (Ohio) Common Pleas Court Judge Sherrie Miday ng anim na buwang pagkakakulong ang dating four-division world titleholder, ngunit inilagay na lamang ito sa probation na pagsisilbihan nito sa Florida.

Liban dito, pinagmumulta rin ng $1,000 si Broner at inatasang bayaran ang biktima ng mahigit $4,200 sa medical bills.

-- Advertisement --

Sa pahayag naman ng abogado ni Broner na si Atty. Ian Friedman, pabor na rin aniya sa kanilang kampo ang nangyari.

“While confident in a successful outcome at trial, Mr. Broner opted to accept the significantly reduced misdemeanor plea so that he could immediately return to focus on his professional career free from further distraction,” ani Friedman.

Kung maaalala, si Broner ang nakalaban ni Sen. Manny Pacquiao noong Enero kung saan natalo ito sa isang 12-round unanimous decision.