Tumuntong na sa 202,361 ang bilang ng mga tinamaan ng pandemic na coronavirus disease (COVID-19) dito sa Pilipinas.
Batay sa pinakabagong case bulletin ng Department of Health (DOH), sumirit sa 5,277 ang numero ng bagong confirmed cases. Resulta ito ng submission ng 95 mula sa 109 na laboratoryo.
Mula sa nasabing bilang ng mga bagong kaso, pinakamarami ang naitalang positibo sa nakalipas na dalawang linggo. Malaking porsyento nito ang galing sa National Capital Region, Region 4A at Western Visayas.
Samantala ang bilang ng mga nadagdag sa recoveries ay 1,131. Ang kabuuang bilang ng mga gumaling ay 133,460 na.
Sa total deaths, 99 naman ang bagong ulat na namatay, kaya ang kabuuang bilang ay 3,137.
Mula sa total ng COVID-19 cases sa bansa, 65,764 pa ang nagpapagaling o active cases.
Ayon sa DOH, may 80 duplicates silang tinanggal mula sa total case count, kung saan 58 ang recoveries.
May siyam din recoveries ang pinalitan ng status, matapos matukoy sa validation na sila ay binawian ng buhay.