CAUAYAN CITY – Inamin ng branch manager ng isang malaking kompanya sa Solano, Nueva Vizcaya na may lihim siyang pagtingin sa kanyang kawani kaya niya binosohan.

Ito ay sa pamamagitan ng pagtutok sa camera ng kanyang cellphone sa butas sa kisame ng banyo kung saan naliligo ang biktima.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay P/MSgt. Alvin Tabunan, imbestigador ng Solano Police Station, sinabi ng suspek na isang branch manager at itinago sa pangalang “Lino” na mahal niya ang biktimang si alyas “Annie” subalit hindi niya masabi nang harapan.

Sinabi ng suspek na ito ang unang pagkakataon na ginawa niya ang pamboboso kay Annie na kasama niyang nakatira sa kanilang staff house.

Walang asawa o anak ang suspek habang ang biktima ay may isang anak dahil mayroon siyang dating live-in partner subalit hiwalay na sila.

Inihayag din ng suspek na labis siyang nagsisisi at humingi na ng tawad kay Annie, subalit sinabi na kailangan niyang pagbayaran ang kanyang ginawa.

Ayon pa kay Tabunan, naisampa na sa piskalya ang kasong paglabag sa Republic Act 9995 o Anti-photo and Video Voyeurism Act of 2009 laban sa suspek.