-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Nabahiran na naman ng dugo ang bayan ng Kabacan Cotabato sa pamamaril patay sa isang myembro ng Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT) .

Nakilala ang biktima na si Eddie Catigan, 46, may asawa, provincial guard ng kapitolyo at residente ng Barangay Buluan, Kabacan, North Cotabato.

Ayon sa ulat ng pulisya, lulan ang biktima sa kanyang motorsiklo sa Brgy Aringay, Kabacan, Cotabato na ‘di kalayuan sa massacre site.

Papauwi na sana sa kanyang tahanan mula sa kanyang trabaho ng biglang dikitan ng riding in tandem suspects at pinagbabaril gamit ang kalibre .45 na pistola.

Mabilis namang tumakas ang mga salarin sakay ng motorsiklo patungo sa liblib na lugar sa Kabacan.

Agad namang dinala sa pagamutan si Catigan ngunit hindi na ito umabot ng buhay nang magtamo ng tama ng bala sa kanyang ulo at likod.

Matatandaan na noong Agosto 29 siyam katao ang pinagbabaril patay sa bayan ng Kabacan.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Kabacan PNP sa panibagong kaso ng pamamaril patay.