Namayani ang dating finals-runner up na Boston Celtics sa kauna-unahan nilang laro sa bagong season ng NBA matapos na idispatsa ang katunggali na Philadelphia 76ers sa iskor na 126-117.
Ang Celtics superstars na sina Jayson Tatum at Jaylen Brown ay nagsama ng puwersa ng tig-35 points dahilan para makuha nila ang kanilang bwena manong panalo.
Nagdagdag naman si Malcolm Brogdon ng 16 points habang nagtapos si Grant Williams na may 15 points para bigyan din ng Eastern Conference defending champions na regalo na panalo ang bagong interim coach na si Joe Mazzulla sa kanyang debut.
Nang lumamang ang Boston sa 110-97, may walong minuto ang nalalabi sa game hindi na nila ito binitawan pa.
Nasayang naman ang ginawa nina James Harden na nagbuhos ng 35 points, kasama ang limang mga three pointers.
Si Joel Embiid naman ay nagpakawala ng 29 points at 15 rebounds na ‘di pa rin kinaya ang Sixers. (with reports from Bombo Allaiza Eclarinal)