
Labis ang pasasalamat nang pamunuan ng Bombo Radyo Philippines para sa panibago na namang parangal na natanggap nito sa ginanap na 5th Platinum Stallion Media Awards 2019.
Kinilala ang Bombo Radyo bilang Most Reliable AM Station na iginawad ng Trinity University of Asia sa Quezon City.
Punong-abala sa naturang awards giving body na ito ang mga estudyante mula sa Media and Communication Department at Events Management sa ilalim ng Program Chairman na si Dr. Walter H. Yudelmo.
Ito ay bilang pagkilala at pagbibigay parangal sa patuloy na paglilingkod ng iba’t ibang personalidad sa larangan ng broadcast media, maging sa showbiz, TV, print at theater arts.
Pinili ang mga nanalo sa pamamagitan ng isang university-wide survey na nilahukan hindi lamang ng mga estudyante ng naturang paaralan ngunit pati na rin ng kanilang mga magulang, faculty, alumni, maintenance staff at iba pa.

Patunay lamang ang award na ito na isa ang Bombo Radyo sa pinagkakatiwalaang media entity pagdating sa paghahatid ng mga balita.
“Greetings in Trinitian Spirit! In celebration of the continuing efforts of individual and groups in educating the public through the media and the allied arts… Again, thank you for this opportunity to network with you and congratulations!” ani Dr. Yudelmo.
Ang pagkilala sa Bombo Radyo bilang Most Reliable AM Radio Station ay iniaalalay din sa mga listeners dahil sa patuloy na pagtitiwala sa mga programa at promo sa matagal ng panahon.
“Platinum Stallion Media Award 2019 to Bombo Radyo Philippines, Most Reliable AM Radio Station, for the relevant inspiration rendered to the creative and critical thinking as well as intellectual gratitude and social growth of our institution through outstanding contribution in the media industry,” bahagi nang pagbibigay pugay ng Trinity University of Asia sa pamamagitan ng kanilang University President Dr. Wilfredo Tiu.

















