-- Advertisements --

Gumugulong na ang imbestigasyon ng Pambansang Pulisya kaugnay sa natanggap na bomb threat ng House of Representatives.

Ito ang kinumpirma ni PNP Chief General Benjamin Acorda sa panayam sa Malacanang.

Sinabi ni Acorda na hindi muna siya magbibigay ng anumang pahayag ukol dito habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Inihayag naman ni Acorda na lahat ng posibleng anggulo sa motibo ng bomb threat ay kanilang tinitignan.

Kabilang na dito ang isinusulong na Charter Change ng mga mambabatas sa pamamagitan ng Peoples Initiative.

Matinding batikos ang natanggap ng Kamara partikular si Speaker Martin Romualdez dahil umano sa pagsusulong sa Peoples Initiative na layong amyendahan ang 1987 Constitution.

Nakikipag-ugnayan ngayon ang PNP sa House of Representatives hinggil sa nasabing usapin.

Dinagdagan na rin ang Police personnel na magbabantay sa gate ng House Of Representatives sa may bahagi ng IBP road.

Sa kabilang dako, naglabas na rin ng memorandum si House of Representatives Seargent at Arms na si retired PMGen. Napoleon Taas hinggil sa paghihigpit ng seguridad sa Kamara.