Naglabas ng sea travel advisory ang Philippine Coast Guard (PCG) Station Capiz kung saan inanunsiyo nito na kanselado na ang lahat ng biyahe ng mga barko mula sa Culasi Port sa Roxas City patungong Batangas Port at sa Romblon dahil sa banta ng Bagyong Jolina.
Umabot naman sa 60 residente ang maingat na inilikas ng Philippine Coast Guard (PCG) District Eastern Visayas kasunod ng mabilis na pagtaas ng tubig-baha dulot ng Bagyong Jolina sa Sitio Owak, Barangay San Isidro, Ormoc City, Leyte bandang alas-04:41 a.m. kaninang madaling, September 7,2021.
Dinala ang mga evacuees, na kinabibilangan ng 28 kabataan, sa San Isidro Elementary School para mabigyan ng karagdagang tulong.
Sa kabilang dako, pinag-iingat ng National Dissaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) ang mga residente sa mga lugar na tatamaan ng bagyong Jolina na magdadala ng matinding pag-ulan, pagbaha at pagguho ng lupa.
Hindi man derektang tatamaan ng sentro ng bagyo ang Quezon City nanatiling mataas ang tiyansa na makakaranas ang siyudad ng maulan na panahon sa mga susunod na mga araw na maaring magdulot ng pagbaha at pagguho ng lupa.
Gayunpaman, ang Quezon City DRRMO ay patuloy na magmomonitor sa mga posibleng pagbabago sa galaw at kilos ni Bagyong Jolina na maaring magdulot ng masamang epekto sa lungsod.