Nasamsam ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa pakikipagtulungan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dalawampu’t dalawang (22) container vans na naglalaman ng mga ilegal na sigarilyo sa container yard ng Carlos A. Gothong Lines, Inc. sa North Harbor, Tondo, Manila.
Batay sa impormasyon mula sa NBI, agad na naglabas ng Mission Orders si BIR Regional Director Remir Macatangay upang pahintulutan ang mga tauhan ng Revenue Region No. 6 – City of Manila and Palawan at Regional Investigation Division (RID), kasama ang mga operatiba ng NBI, na inspeksyunin at kumpiskahin ang naturang shipment.
Tinatayang nasa 30,800 master cases ng sigarilyo ang kabuuang volume ng nakumpiska. Sa 22 container vans, 10 na ang na-inspeksyon at napatunayang naglalaman ng mga sigarilyong walang kaukulang internal revenue stamps, habang ang natitirang containers ay sasailalim pa sa beripikasyon at imbentaryo.
Kabilang sa mga nakumpiskang brand ang Modern cigarettes, Dani, Nise Baisha, H&P Aqua Blue, H&P Gold, H&P Red, BRO Red, at D&J Premium.
Ayon kay BIR Commissioner Charlito Martin R. Mendoza, patunay ang operasyon na patuloy na pinaigting ng ahensya ang kampanya laban sa ilegal na kalakalan ng sigarilyo at iba pang excisable goods.
“We will continue to intensify enforcement operations and work closely with the NBI, the Bureau of Customs, and other partner agencies to stop the illicit cigarette trade. These coordinated efforts are necessary to protect revenues, support legitimate businesses, and uphold compliance with our tax laws,” ani Mendoza.
Sa koordinasyon ng Bureau of Customs (BOC), ang mga container vans ay pansamantalang selyado at ilalagay sa isang itinalagang lugar habang hinihintay ang opisyal na imbentaryo. Magbibigay rin ng seguridad ang Philippine Coast Guard upang matiyak ang kustodiya ng mga container hanggang sa nakatakdang joint inventory ng BIR, NBI, at BOC.
















