-- Advertisements --

Naglunsad ng alyansa ang Bureau of Internal Revenue (BIR) at Ayala Corporation matapos lumagda sa isang Memorandum of Agreement noong Agosto 25, 2026 para sa pagbuo ng Terry the Tax AI Assistant.

Ang nasabing AI tool ay idinisenyo upang tulungan ang mga empleyado ng BIR sa mas mabilis at episyenteng pagsusuri, paghahanap, at pag-verify ng mga regulasyon at opisyal na dokumento ukol sa buwis.

Libreng ibibigay ng Ayala ang kanilang kaalaman sa data science at artificial intelligence sa loob ng anim na buwang kolaborasyon upang mailatag at maiayos ang naturang sistema.

Ayon kay BIR Commissioner Charlito Martin R. Mendoza, malaki ang maitutulong ng teknolohiya upang mapabilis ang pagproseso ng mga kaso habang nananatili pa rin sa mga opisyal ng ahensya ang huling desisyon at pananagutan.

Inihayag naman ni Karl Kendrick Chua ng Ayala Corporation na layunin ng proyekto na magkaroon ng mas mabilis, malinaw, at maaasahang serbisyo sa buwis para sa publiko.

Ang inisyatibong ito ay bahagi ng pangkalahatang programang BIR DARES na naglalayong palakasin ang digital transformation at kakayahan ng mga kawani ng pamahalaan.