KALIBO, Aklan – Nakatakdang isailalim sa operasyon ang isang binatilyo matapos matusok ng nail pusher ang kaniyang ari sa Barangay Angas, Batan, Aklan.

Batay sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Kalibo mula sa pamilya ng biktima na minabuting itago na lamang ang kaniyang pangalan, mula umano sa comfort room ng kanilang paaralan ang 13-anyos na binatilyo kung saan, napag-tripan aniya ito ng kaniyang mga kaklase sa pamamagitan ng paglagay ng nail pusher ng isang siyam na taong gulang na kaklase sa kaniyang upuan.

Kaugnay nito, wala umano siyang kaalam-alam na may nakatayong nail pusher sa kahoy na upuan kaya kaagad siyang umupo at napasigaw na lamang sa sakit nang maramdaman na may tumusok sa maselang bahagi ng katawan.

Kaagad dinala sa Aklan Provincial Hospital ang binatilyo para sa karampatang paggamot.