Iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council na umakyat na nadagdagan pa ang bilang ng mga napaulat na nasawi nang dahil sa pananalasa ng bagyong Egay.
Batay sa pinakahuling datos na inilabas ng ahensya ngayong araw ay pumalo na sa 13 ang bilang ng iniwang patay ng naturang bagyo.
Mula sa naturang bilang, anim dito ang berepikado na kung saan lima ang naitala sa CAR, habang ang isa naman ay nagmula sa Region 6.
Sa ngayon ay nasa pitong mga napaulat na nasawi naman ang kasalukuyan pang isinasailalim ng kagawaran sa validation.
Samantala, bukod dito ay iniulat din ng NDRRMC na mayroon din itong naitalang 12 indibidwal ang sugatan, habang 20 katao naman ang napaulat na nawawala.
Kaugnay nito ay nagdagdagan din ang bilang ng mga naapektuhang mga indibidwal nang dahil sa pinsalang idinulot ng Bagyong Egay kung saan pumalo na sa 140,923 pamilya o 502,782 na mga indibidwal na ang apektado mula sa a1,612 na mga barangay sa Regions 1, 2, 3, 5, 6, 10, 12, CALABARZON, MIMAROPA, BARMM, at CAR.
Nasa 30,000 mga indibidwal naman dito ang pansamantalang nananatili sa 479 na mga evacuation centers.