LAOAG CITY – Tila bumalik sa dati ang sitwasyon dito sa Ilocos Norte dahil sa biglang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa lalawigan.
Kahapon lamang ay 44 ang naitalang bagong kaso ng covid-19 sa lalawigan at noong isang araw at aabot sa 12.
Sa 44 na bilang, karamihan sa mga ito ay mula sa mga bayan ng Solsona, Pagudpud at sa bayan ng Batac.
Sinabi nito na ang unang mga nagpositibo sa virus ay mula mga APOR na galing sa Maynila at Cagayan kung saan, negatibo ang kanilang antigen test result at hindi na nag-quarantine at pumasok agad sa kanilang trabaho at ang isa nagsagawa ng isang party.
Matapos lamang umano ng ilang araw ay nadiskubre na positibo sila sa virus at kahit agad na na-isolate matapos itong malaman ay huli na dahil naikalat na sa mga katrabaho at nakasalamuha ang virus.
Dahil dito, sinabi ni Dr. Norman Rabago na kagabi ay nagpulong sila ni Gov. Matthew Marcos Manotoc at iba pa kung saan tinalakay kung anong estraehiya ang gagawin ng lalawigan.
Isa rito ay ang pagsasailalim sa swab test ang isang miembro ng kada household sa lahat ng mga barangay na apektado lalo na sa mga naturang bayan at lungsod.
Kahapon lamang ay mahigit 400 na indibidwal sa baya ng Solsona at Pagudpud ang sumailalim sa swab test, at nagpapatuloy parin ang testing hanggang sa ngayon.