-- Advertisements --

Pinagpapaliwanag ng pinuno ng House Committee on Games and Amusement ang Bureau of Immigration (BI) kaugnay sa mga Chinese workers na nagtatrabaho ng Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) sa Pilipinas.

Sinabi ni ACT-CIS party-list Rep. Eric Yap na nais nilang malaman ang bilang ng mga foreign workers sa POGO hubs at kung nabigyan ang mga ito ng working visa.

Nabatid na sa naunang tala ng Department of Finance, sinasabing nasa 138,000 na ang bilang ng mga legal Chinese POGO workers sa bansa sa ngayon.

Inaasahan pa na lalong tataas ang naturang bilang sa mga susunod na buwan kaya iginiit ni Yap ang kahalagahan ng pagkakaroon ng proper documentation at mahigpit na proseso ng pagtanggap ng mga POGO workers.

Ito ay sa harap na rin ng mga balitang may mga kapwa Chinese na sangkot sa kidnapping, extortion at theft sa kanilang mga kababayan.

Bukod dito, binigyan-diin ni Yap na magiging mas epektibo rin ang pangongolekta ng buwis sa online gaming scheme bukod pa sa pagbibigay ng proteksyon sa kapakanan ng mga banyagang ligal na nagtatrabaho sa bansa.