Nagbabala ang Bureau of Immigration sa panibagong call center scams mula sa ibang bansa.
Target ng mga grupo na nasa likod nito ay ang mga Pilipino na may balak na mangibang bansa.
Isang kaso na ang kanilang nahawakan kung saan isang Pinay ang biktima mula sa Thailand matapos na mabiktima ng trafficking na galing pa sa Myanmar.
Sinabi ng biktima na nag-rerecruit ang mga suspek sa social media at nag-aalok ng trabaho bilang call center sa Thailand.
Sinabihan ang biktima na magpanggap na turista sa Thailand hanggang ito ay sinundo ng sasakyan at bumiyahe ng ilang oras bago nakarating sa Myanmar.
Isang uri ng online gambling ang trabaho aniya na ang target ay mga Indian nationals.
Pinangakuhan ang mga biktima na makakatanggap ng hanggang $1,500 kada buwan subalit may quota sila na maabot ng P330,000.
Nakauwi aniya ang biktima matapos na makahingi ito ng tulong sa embahada ng Pilipinas na nakabase sa Bangkok.