-- Advertisements --

Nanawagan si Senate Committee on Public Services Chairman Sen. Raffy Tulfo sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na pabilisin at ayusin ang proseso ng pamimigay ng subsidiya para sa mga mangingisda.

Kasunod ito ng panawagan ng senador sa Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para matiyak ang maayos na pamamahagi ng fuel subsidy sa mga PUV driver sa gitna ng oil price hikes dulot ng tensyon sa Middle East. 

Nakipag-ugnayan si Tulfo kay BFAR Assistant Director for Administrative Resources Zaldy Perez, para kuwestiyunin ang komplikadong sistema ng pamamahagi ng fuel subsidy sa pamamagitan ng voucher o card scheme na magagamit lamang sa piling mga gasolinahan, imbes na diretsong cash na ibinibigay sa mga benepisyaryo—na kinumpirma ni Perez na kasalukuyang ginagawa ng BFAR.

Dagdag ng senador, dapat ding itaas ang fuel subsidy mula ₱3,000 tungo sa ₱5,000 kada benepisyaryo upang maipantay  ang matatanggap nila sa ayudang natatanggap ng mga PUV driver.

Bagama’t aniya kinatigan daw ni Perez ang mga mungkahi ni Perez, tinanggal daw ng Department of Budget and Management (DBM) ang option nila na direktang makapagbigay ng cash sa mga benepisyaryo.

Gayunpaman, pinabulaanan naman ni DBM Acting Director for Budget and Management Bureau Gemma Ilagan ang pahayag ni Perez at ipinaliwanag nito na walang pagbabawal ang ahensya sa direktang pamamahagi ng cash, at ang paggamit ng card o voucher daw ay base sa internal guidelines ng BFAR.