-- Advertisements --

Pinaplano ngayon ng ilang mambabatas ang isa pang Bayanihan law sa pagpasok sa susunod na administrasyon.

Ayon kay House Majority Leader Ferdinand Martin Romualdez, ang plano nila sa ngayon ay bigyan ng kapangyarihan si presumptive President Ferdinand “Bongbong” Marcos na gamitin ang national budget na kanyang na-inherit ngayong taon.

Sinabi ng pinsan ni Marcos na si Romualdez na matunog na susunod na House Speaker sa 19th Congress layon ng kanilang binubuong “Bayan Bangon Muli” (BBM) bill na matugunan pa rin ang Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Aniya, lumapit daw kasi sa kanila ang ilang indibidwal para sa kanilang hirit na magkaroon ulit ng ayuda para sa ating mga kababayan na kinakailagan para sa pandemic at inaasahang magiging endemic stage ng COVID.

Kung maalala, naipasa ang Bayanihan law para madagdagan ang pondo para sa recovery response ng pamahalaan laban sa epekto ng COVID-19 pandemic na tumama sa bansa noong Marso 2020.

Sinabi naman ni Albay Representative Joey Salceda na ang panukalang batas ay magbibigay ng daan para magkaroon si Marcos ng adjustments sa pondo na kanyang mamanahin sa kasalukuyang administrasyon para sa fiscal year 2022.