-- Advertisements --

Simula sa susunod na taon, ang Department of Agriculture (DA) na ang mamamahala sa pagpapagawa ng farm-to-market roads (FMR) na dating pinangangasiwaan ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ang layunin nito ay upang mas bigyang pansin ang mga proyekto para sa agrikultura at tiyakin na ang bawat kilometrong matatapos ay makakatulong sa mga magsasaka.

Kaugnay nito, nagpulong na si Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. at si Public Works Secretary Vince Dizon upang repasuhin ang mga nakaraang proyekto ng FMR.

Tinalakay din nila ang 1,000 km na FMR na dapat tapusin sa 2025, at iminungkahi ng DPWH na kumpletuhin ito sa pamamagitan ng isang catch-up plan.

Tiniyak ng DA na handa na silang kunin ang responsibilidad mula sa DPWH sa susunod na taon, alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pabilisin ang pagtatapos ng imprastraktura sa tamang halaga.