-- Advertisements --

ILOILO CITY- Nakaburol na sa Janiuay, Iloilo ang bangkay ng isang Ilonggo na myembro ng Philippine Air Force at kabilang sa mga nasawi sa bumagsak na helicopter Bukidnon.

Ang biktima ay si Airman 1st Class Stephen Agarrado, residente ng Sitio Ermita, Barangay Bongol, Janiuay.

Matandaan na sa nangyaring aksidente sa Impasug-ong sa Bukidnon, pito ang mga namatay dahil sa “mechanical malfunction” sa helicopter.

Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Sheryl Agarrado, asawa ng biktima, sinabi nito na noon pa man, alam na ng kanyang asawa kung gaano kadelikado ang trabaho.

Ayon kay Sheryl, sinabi pa noon ng biktima na kapag nag-crash man ang kanyang sinasakyang helicopter, masaya siyang mamamatay dahil “dream job” niya ang maging myembro ng Philippine Air Force.

Dagdag pa nito, bagamat isang trahedya ang nangyari, nagpapasalamat pa rin ito dahil natagpuan at naiuwi ang bangkay ng kanyang asawa.

Si Stephen ay isa sa mga magigiting na personnel ng Philippine Air Force na naghatid ng suplay para sa tropa ng militar noong nangyari ang Marawi seige noong 2017 na kagagawan ng Maute group.