Lumabas na ang resulta ng ballistics at autopsy examination sa tatlong estudyanteng nasawi sa pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City.
Ayon sa Philippine National Police (PNP) Regional Forensics Unit 8, ang tatlong biktima ay tinamaan ng bala mula sa malayong angulo, na nagpapahiwatig na ang pamamaril ay ginawa nang walang partikular na pinupuntirya.
Batay sa pagsusuri, tumama ang mga bala sa mahahalagang bahagi ng katawan ng mga biktima na naging dahilan ng kanilang agarang pagkamatay.
Inihahanda na ngayon ng mga awtoridad ang pinal na forensic report para isumite sa mga imbestigador.
Samantala, sinabi ng PNP na magsasampa sila ng kaso laban sa tiyahin ng 15-anyos na suspek na isang pulis, dahil sa pagpapabaya na makuha ang kanyang service fire-arm.
Ayon sa PNP, posible rin umanong maharap sa parehong kaso ang lolo ng suspek na sinasabing may-ari ng kalibre .38 na armas na ginamit sa insidente.
Sa kabilang banda sumailalim na sa psychological first aid ang ilang guro at kawani ng paaralan upang matulungan silang makabangon matapos ang trahedya.
Ayon sa punong-guro ng San Jose National High School, mayroon nang mga napag-usapang safety protocol ang paaralan sakaling magkaroon ng ganitong insidente.
Kabilang dito ang agarang pagsasara at pagkandado ng mga pintuan ng silid-aralan upang maprotektahan ang mga estudyante.















