-- Advertisements --

Humiling ang House prosecution panel sa Senate impeachment court ng 62 trial dates para maiprisinta ang kanilang mga ebidensya at saksi sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay House legal spokesperson Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr., nakabatay ang kahilingan sa dami ng mga saksi at ebidensyang nakalista sa kanilang pre-trial brief. Samantala, 30 trial dates lamang ang hinihingi ng kampo ng depensa o kampo ni VP Sara.

Nilinaw naman ni Tolosa na hindi nangangahulugang aabot ng 62 araw ang paglilitis dahil maaaring paikliin ito kung papayagan ng korte ang pagdinig ng higit sa isang saksi kada araw.

Sinabi rin niya na may 97 saksi ang nakalista ng depensa, kabilang ang 51 saksi na kapareho ng nasa listahan ng prosekusyon.

Bukod dito, 248 sa 276 ebidensya ng prosekusyon ang kasama rin sa mga ebidensyang isinumite ng depensa.

Ang pinal na bilang ng trial dates ay itatakda ng Senate impeachment court sa ilalabas nitong pre-trial order.