-- Advertisements --

Kritikal pa rin ang kalagayan ng dalawang mag-aaral na kabilang sa 15 estudyanteng nasugatan sa naganap na pamamaril sa loob ng San Jose National High School noong Lunes.

Kinilala ang mga biktima na sina Joan Vinias, isang Grade 10 student na nagtamo ng tama ng bala sa ulo, at Nathan Candelario, Grade 9 student na nasugatan sa tiyan matapos barilin.

Ayon sa kanyang ina na si Rowena Eracho, masama ang pakiramdam ng kanyang anak noong umaga ng insidente at muntik nang hindi pumasok sa paaralan. Ngunit nagpumilit umano itong pumasok kaya niya ito pinayagan.

Ilang oras matapos nito, nabalitaan na lamang ng ina ang nangyaring pamamaril sa paaralan. Pagdating niya sa ospital, nakita niyang nakahiga sa stretcher ang kanyang anak.

Lubos ang paghihinagpis ngayon ni Rowena dahil hindi niya matanggap ang sinapit ng kanyang anak at tanong kung paanong nakapasok sa paaralan ang mga menor de edad na suspek na may dalang baril.

Hiling niya ngayon ang paggaling ng kanyang anak na nangangarap maging nurse balang araw.

Samantala, nasa kritikal ding kondisyon si Nathan Candelario, isang Grade 9 student. Ayon sa kanyang ama na si Erwin, tumama ang bala sa ilalim ng pusod ng kanyang anak at lumabas sa tagiliran. Tatlong butas umano ang iniwan nito sa bituka kaya inaasahang matagal ang paggaling ng binatilyo.

Sa kabuuan, 15 estudyante ang nasugatan habang tatlo naman ang nasawi sa insidente.

Ayon sa pulisya, nasa edad 14 at 15 ang mga sangkot sa pamamaril. Nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang mga suspek.

Nahaharap naman sa reklamong murder at frustrated murder ang 15-anyos na suspek matapos matukoy na alam nito ang kanyang mga ginawa.

Patuloy namang nananawagan ng hustisya ang mga pamilya ng mga biktima at hinihiling na mapanagot ang lahat ng may kinalaman sa madugong insidente.