Lubos ngayon ang pag-aalala nila Yasmien Kurdi at Tuesday Vargas kaugnay ng madugong pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City na ikinasawi ng tatlong estudyante at ikinasugat ng 15 iba pa.
Sa isang post sa social media, binigyang-diin ni Yasmien Kurdi ang kahalagahan ng pagtugon sa mga kaso ng bullying, maayos na pagpapalaki ng mga anak, at pagpapanatili ng kaligtasan sa mga paaralan.
Ayon sa aktres, kapag hindi naaaksyunan ang bullying, patuloy lamang itong iikot at maghahanap ng panibagong biktima.
Naniniwala rin siya na mahalagang gabayan at disiplinahin ng mga magulang ang kanilang mga anak habang bata pa.
Dagdag pa niya, hindi lamang mga magulang ang may responsibilidad sa pagpapalaki ng mga kabataan kundi pati na rin ang paaralan, komunidad, at pamahalaan.
Samantala, nanawagan naman si Tuesday Vargas ng masusing imbestigasyon upang matukoy kung paano napunta sa kamay ng mga menor de edad ang mga baril na ginamit sa insidente.
Nagpahayag din siya ng pakikiramay sa mga pamilya ng mga nasawi at hiniling sa pamahalaan na tiyaking mabibigyan ng sapat na tulong medikal at pinansyal ang mga sugatang biktima.
Nanawagan din ang aktres para sa pangmatagalang psychosocial support o counseling para sa mga estudyante, guro, at pamilyang naapektuhan ng trahedya.
Hinimok rin niya ang mga opisyal na maglatag ng malinaw na plano upang matulungan ang mga biktima at ang buong komunidad ng paaralan na makabangon mula sa nangyari.
Kasabay nito, umapela si Vargas sa mga pulitiko na huwag gawing instrumento ng pamumulitika ang trahedya.















