Pumalo na sa hindi bababa sa 164 katao ang nasawi at halos 1,000 naman ang nasugatan matapos yanigin ng dalawang malalakas na lindol ang Venezuela.
Nabatid na tumama ang magnitude 7.2 na lindol bandang hapon ng Huwebes (araw sa Pilipinas), humigit-kumulang 160 kilometer sa Caracas.
Makalipas lamang ang wala pang isang minuto, sinundan ito ng isa pang malakas na magnitude 7.5 na lindol na siyang nagpatumba sa ilang mga gusali at imprastraktura sa lugar.
Ayon kay Interim President Delcy Rodriguez, nakikipagtulungan na ang pamahalaan sa mga pribadong kompanya upang makakuha ng malalaking kagamitan at mapabilis ang paghahanap at pagsagip sa mga biktima.
Pinakamalubhang naapektuhan ang La Guaira, isang lalawigan malapit sa kabisera ng Caracas kung saan matatagpuan ang pangunahing paliparan ng lungsod.
Malaki rin ang pinsala na inabot ng Morón, Carabobo, na malapit sa sentro ng lindol.
Maraming bahay ang bumagsak at nawalan rin ng suplay ng kuryente at tubig ang mga residente doon.
Iniulat naman ng lokal na pamahalaan na kabilang sa mga nasawi ang tatlong bata.
Babala ng U.S. Geological Survey na maaari pang tumaas ang bilang ng mga nasawi habang nagpapatuloy ang paghahanap sa mga nawawala.
Tinatayang libo-libo pa ang maaaring naapektuhan ng dalawang malalakas na lindol kung saan kinumpirma ng iba’t ibang lider ng oposisyon ng bansa na hindi lalagpas ng 10,000 katao ang hindi pa natatagpuan noong Huwebes ng umaga.
Samantala, nagpadala naman na ang Estados Unidos ng mga search and rescue team, habang naghahanda rin ang kanilang pamahalaan ng karagdagang tulong para sa mga lugar na napinsala sa Venezuela.











