-- Advertisements --

Isang sanggol at dalawang 11-anyos na bata ang kabilang sa mga matagumpay na nailigtas ng mga international rescue team sa gumuhong gusali sa Venezuela ilang araw matapos tumama ang dalawang malalakas na lindol.

Sa videong ibinahagi ng US State Department makikita ang pag-sagip sa isang sanggol na himalamang buhay na nakuha mula sa ilalim ng gumuhong gusali.

Samantala, isang 11-anyos na batang lalaki rin ang nailigtas ng rescue team mula sa Colombia matapos siyang matagpuang nakabaon ng halos tatlong metro sa ilalim ng mga gumuhong debris.

Nagtamo siya ng bali sa braso at agad na isinugod sa ospital. Hindi naman nakaligtas ang kanyang ina at kapatid sa sakuna.

Isa pang 11-anyos na bata ang nasagip ng rescue team mula sa Mexico sa bayan ng Caraballeda.

Ayon kay Interim President Delcy Rodriguez, nasa 1,430 na ang kumpirmadong nasawi kung saan 3,000 katao ang nasugatan habang halos kaparehong bilang din ang pansamantalang nananatili sa mga evacuation center.

Iniulat niya rin na inihinto na ng mga rescue team ang search operations sa ilang lugar matapos nilang matukoy na wala nang senyales ng mga buhay na nakaligtas sa gumuhong mga debris.

Naglaan din ang European Union ng humigit-kumulang €5 million bilang emergency aid, habang inaasahan ding mag-aanunsyo ang Estados Unidos ng karagdagang pondong itutulong sa mga apektadong komunidad.

Samantala, nagpaabot ng pakikiramay at panalangin si Pope Leo XIV para sa mga biktima ng lindol at nagpasalamat sa mga rescuer na tumutulong sa operasyon.