-- Advertisements --

Hindi sang-ayon ang Department of Health (DOH) sa pahayag ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na nagsabing handa na muli ang Metro Manila na bumalik sa level ng general community quarantine kapag natapos na itong kasalukuyang MECQ (modified enhanced community quarantine).

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, masyado pang maaga para sabihing bumababa na ang bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19.

Ito kasi ang naging basehan ni Sec. Lorenzana sa kanyang pahayag kung saan kinumpara nito ang higit 6,000 new cases na naitala noong August 4, sa mga kasong naitala matapos nito na bumaba sa higit 3,000 na lang.

Covid Checkpoint

“It’s not just the (number) of cases that we look for kapag tayo ay nag-aassess ng sitwasyon. Tinitingnan din natin yung capacity ng health system. Kapag bumababa ang kaso, tinitingnan din natin kung lumuluwag na ba sa mga ospital? Wala na bang pasyenteng na-admit?” ani Vergeire sa isang press briefing.

“We have to look at all of those indicators bago tayo makapagsabi kung mag-ease tayo ng restriction atsaka masabi na if we are making things better.”

Paliwanag ng tagapagsalita ng DOH kailangan mapag-aralang mabuti ang resulta ng iba’t-ibang aspeto ng pandemic response para matiyak na talagang wala nang mga bagong kaso ng sakit ang naitatala.

Tumanggi rin si Vergeire na pagbasehan ang resulta ng unang linggo ng MECQ sa magiging kapalaran nito, kung mae-extend ba o hindi ang quarantine status sa NCR, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal.

“For now it is too early to have an assessment. We are looking at two weeks or three weeks after before we can see the effect of this lockdown that we have done. Hindi pa natin masasabi ngayon kung ano na yung talagang mga nangyayari.”

Sa ngayon focused daw ang ahensya sa pagpapatupad ng mga recalibrated strategies nito, tulad ng One Hospital Command, deployment ng CODE teams at pagpapalakas sa Oplan Kalinga.

“Kailangan din natin are the LGUs now doing more stricter lockdown in their areas; accomplishing the required contact tracing, nate-trace na ba nila lahat ng contacts; nakapag-sagawa na ba sila ng appropriate case finding; atsaka naka-tulong ba sila doon sa Oplan Kalinga. Nailipat ba nila yung mga tao sa mga bahay dito sa temporary treatment and monitoring facilities.”

Una nang sinabi ng medical groups na nanawagan nang pagbabalik lockdown na hindi na sila hihiling pa ng extension dito sa inaprubahang MECQ ni Pangulong Rodrigo Duterte.