-- Advertisements --

Patuloy na binabantayan ng weather bureau ang Tropical Storm Jangmi na nasa labas pa ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong hapon.

Ayon sa ulat, ang sentro ng bagyo ay matatagpuan sa layong 1,235 kilometro silangan ng Southeastern Luzon.

Taglay ng bagyo ang maximum sustained winds na 75 kilometro kada oras malapit sa sentro at pagbugso na umaabot sa 90 kilometro kada oras.

Kasalukuyan itong kumikilos nang pahilaga hilagang kanluran ngunit mabagal ang paggalaw nito.

Samantala, nakaaapekto din sa panahon ng bansa ang southwesterly windflow na nagdadala ng maulap na kalangitan at pag-ulan sa Palawan at sa kanlurang bahagi ng Visayas at Mindanao.

Bukod dito, ang trough ng Tropical Storm Jangmi ay nakakaapekto naman sa nalalabing bahagi ng Mindanao, dahilan ng mga pag-ulan at thunderstorms sa ilang lugar.

Bagama’t wala pang direktang epekto sa bansa ang bagyo, pinapayuhan ang publiko na manatiling nakatutok sa mga abiso ng mga eksperto ukol sa nasabing weather disturbance.