-- Advertisements --

Lalo pang bumagsak ang temperatura sa Baguio City kasabay ng patuloy na paglakas ng Amihan.

Unang naitala ang 13.8°C na temperatura sa naturang lungsod noong Disyembre 5, batay sa realtime record ng state weather bureau.

Ngayong araw, bumaba pa ito sa 12.6°C.

Nairehistro ang malamig na temperatura dakong alas-singko hanggang alas-nuwebe ng umaga, habang umabot naman sa 22.0°C ang pinakamataas na temperaturang naitala sa lungsod.

Hindi inaalis ng state weather bureau ang posibilidad na lalo pang bumaba ang temperatura sa naturang lungsod habang patuloy na lumalakas ang hanging Amihan na pangunahing nakaaapekto ngayon sa Hilagang Luzon.

Sa kasalukuyan, ilang lugar sa Cordillera Administrative Region ang nakararanas na rin ng temperaturang mas mababa sa 15°C, tulad ng Atok at Bakun, Benguet, at iba pang lugar. (Genesis Racho)