CEBU CITY — Iniimbestigahan ngayon ng PNP ang pagkamatay ng isang drug personality nang tambangan ito ilang oras matapos makapagpyansa sa Brgy. Don Virgilio Gonzales, bayan ng Medellin, Cebu.
Kinilala ang biktimang si Reynaldo Batad Arcenal, 48-anyos, at residente mula sa karatig-bayan na San Remegio.
Ayon sa hepe ng Medellin Police Station na si Police Maj. Wilter Grapa na sakay ng van ang biktima kasama ang anim pa nitong kamag-anak.
Biglang humarang ang dalawa pang van na may sakay na walong katao nang dumaan ang sinaksyan ng biktima sa isang liblib na lugar.
Pinababa umano ng mga suspek ang mga kamag-anak at pinadapa nito ang driver saka naman pinaulanan ng bala ang biktimang si Arcenal.
Nadamay din ang babaeng kapatid ng biktima matapos itong tamaan ng bala kaya dinala agad sila sa pinakamalapit na pagamutan.
Binawian naman agad ng buhay ang preso habang kasalukuyang nagpapagaling ang kapatid nito matapos itong nakaligtas.
Dagdag pa ni Grapa na illegal drug transaction at personal grudge ang tinitingnang mga motibo sa nasabing krimen.
Inaalam pa ngayon ang criminal records ng biktima habang nagpapatuloy ang hot pursuit operation upang mahuli ang di pa nakilalang mga gunmen.