-- Advertisements --

Nangako si bagong Commission on Elections Chairman Saidamen Pangarungan na wala itong kikilingan sa pamumuno sa poll body at iaangat pa ang antas antas ng integridad ng Comelec para matiyak ang isang malinis na halalan.

Sa ilalim ng kanyang pamumuno, nanumpa si Pangarungan na igagalang ng komisyon ang konstitusyon sa bawat desisyon nito at sa bawat boto na binibilang nito.

Pagtitibayin din aniya ang Comelec sa pamamagitan ng pagtiyak na ang mga benepisyong ibinibigay sa mga manggagawa nito ay mapapakinabangan.

Sa ganitong paraan daw kasi ay maaari niyang hingin sa mga ito ang pinakamataas na serbisyo mula sa ma empleyado nito.

Ang chairman ay nagpahayag din ng pasasalamat kay Pangulong Rodrigo Duterte sa paghirang sa kanya upang mamuno sa isa sa mga pinakainstrumental na institusyon ng demokrasya.

Bago ang kanyang appointment sa poll body, si Pangarungan ay naging kalihim ng National Commission on Muslim Filipinos.

Nagtrabaho rin siya bilang undersecretary ng Department of Interior and Local Government noong administrasyon ni dating Pangulong Corazon Aquino.

Mula 1988 hanggang 1982, nagsilbi siyang gobernador ng Lanao del Sur.

Sa kabilang banda naman ay may dalawang bagong komisyoner din ng Comelec ang naupo rin na sina Aimee Torrefranca-Neri, isang ex-undersecretary ng Department of Social Welfare and Development; at George Garcia, isang beteranong election lawyer na dating kinatawan ng presidential bet Ferdinand “Bongbong” Marcos sa kanyang 2016 vice presidential electoral protest.