Nilinaw ng kampo ni Atty. Mans Carpio na hindi nila layuning ipatigil ang impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito ay kasunod ng naunang pagbasura ng QC Regional Trial Court Branch 81 sa petisyon ng kampo ni Carpio dahil sa umano’y kawalan nito ng hurisdiksyon sa naturang isyu.
Sa isang panayam sa abogado ni Carpio na si Atty. Neil Abayon kasunod ng desisyon ng korte, nilinaw niyang wala silang ibang layunin kundi mapigilan ang umano’y hindi-awtorisadong paglalabas ng confidential documents nina Carpio at asawang si VP Sara Duterte.
Dahil sa hindi rin itinuloy ng House Justice Committee na buksan ang green box na naglalaman ng tax record ng mag-asawa, mistulang napagbigyan na rin aniya ang kahilingan ng kampo ni Carpio.
Sa kabila ng pagbasura ng korte sa petisyon ni Carpio, sinabi ni Abayon na hindi nila ito nakikitang isang malaking problema dahil sa nauna na ring nagdesisyon ang House panel na hindi buksan ang green box, sa kabila pa ng paglabas ng ibang records tulad ng Anti-Money Laundering Council records at Statement of Assets, Liabilities, and Net worth.
Gayunpaman, hindi pa rin aniya isinasantabi ng kampo ni Atty. Carpio na maghain ng motion for reconsideration o kung hindi man ay umapela sa mas mataas na korte.
Sa ngayon ay inoobserbahan pa muna ng kampo ang mga susunod na hakbang ng Kamara ukol sa impeachment complaint laban kay VP Sara at ang posibleng pagkakadamay sa pangalan ni Atty. Carpio.
















