Inihayag ng komedyanteng si Ate Gay na siya ay may stage 4 cancer, ayon sa isang ulat kung saan pansamantala siyang tumigil sa pagpe-perform habang humihiling ng himala at lakas upang malampasan ang kanyang karamdaman.
Ayon kay Ate Gay, nagsimula ito bilang tila simpleng pamamaga ng mukha. Sa una, benign o hindi cancerous ang findings matapos ang ultrasound at CT scan. Ngunit dahil sa patuloy na paglaki at pagdurugo ng bukol, nagpasya siyang kumuha ng second opinion — at doon nakumpirmang cancer na ito at nasa stage 4 na.
“Wala raw lunas. Masakit sa akin. Halos araw-araw ako umiiyak ako. Hindi naman ako nagkulang kay Lord,” ani Ate Gay.
Sa kabila ng matinding pagsubok, humihingi siya ng dasal mula sa publiko: “Kailangan ko po ng dasal. Kailangan ko po ng lakas at sana po makayanan ko ang araw-araw kong buhay sa ngayon.”
Matatandaang noong 2021, nalagpasan din ni Ate Gay ang isa pang karamdaman na pulmonya.