-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Patuloy ang pagsasagawa ng protesta at demonstrasyon ng mga Asyano para ipakita ang pagkondena sa nararanasang diskriminasyon ng mga ibang lahi sa Estados Unidos.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni G. Jon Melegrito, News Editor sa Washington DC na hindi lamang mga Pilipino ang nagsasagawa ng demonstrasyon kundi kasama rin ang ibang Asian-American groups para maipakita na nagsasama-sama silang lahat.

Maganda aniya ang nangyayaring ito dahil nagkakaroon na ng national reckoning lalo na at matagal ng hindi pinapansin ang mga Asyano sa Amerika. Sa pamamagitan din ng mga hakbang na ito ay malalaman ng mga Amerikano na hindi basta-bastang idiscriminate ang mga Asyano.

Ayon kay G. Melegrito, ang Asian-American Justice Center ay nagkaroon na ng bystander intervention training na ang ibig sabihin kapag may nakitang binubugbog o hinaharass na Asyano ay may responsibilidad ang nakakita. Mula aniya ng inorganisa ang bystander intervention training ay maraming nagpupunta para mapag-alaman ang mga dapat gawin.

Dahil din dito ay nagkakaroon na ng awareness ang mga Asyano na hindi lang sila dapat na tumahimik at nang mabawasan na ang mga insidente ng Asian hate crimes sa Estados Unidos.

Pinapangunahan naman ng mga kabataang Asyano ang paghikayat sa mga matatanda na huwag matakot at tumahimik para hindi sila basta-basta na nadidiscriminate.

Ayon pa sa kanya, ang Asian-American Justice Center ay nakikipagtulungan na rin sa National organizations for civic engagement na may mga local chapters sa buong Amerika para mapalakas ang pagkakaisa ng bawat isa na ipaglaban ang kanilang karapatan.