Tiniyak ni House Appropriations Chairperson Rep. Mikaela Suansing na wala nang magiging karagdagang amyenda sa binagong bersyon ng 2026 General Appropriations Bill (GAB) matapos itong maaprubahan sa ikalawang pagbasa.
Binigyang-diin ni Suansing na ang mga pagdinig ng Budget Amendments Review Sub-Committee (BARSc) na tinalakay ang lahat ng mga pagbabago sa panukala ay isinagawa nang bukas sa publiko at na-livestream pa sa mga opisyal na Facebook at YouTube accounts ng Kamara.
Inaprubahan nuong Biyernes ng House of Representatives sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Faustino “Bojie” Dy III sa ikalawang pagbasa ang House Bill No. 4058, o ang panukalang General Appropriations Bill (GAB) para sa Fiscal Year 2026, sa pamamagitan ng substitution.
Muling tiniyak ni Speaker Dy ang pangako ng Mababang Kapulungan na tiyakin ang napapanahong pagpasa ng pambansang budget para sa 2026, isang budget na bukas, tapat, malinis, at tunay na tumutugon sa pangangailangan ng sambayanang Pilipino.
Inaasahang aaprubahan sa ikatlo at pinal na pagbasa ang panukalang national budget sa darating na Lunes, Oktubre 13, 2025.