-- Advertisements --

Kumpiyansa si House Appropriations panel chair at Ako Bicol Partylist Rep. Elizaldy Co na magiging mabilis ang pagsalang ng 2024 General Appropriations Bill sa bicam.

Ito’y matapos mabatid na nagkasundo ang mga senador na alisin ang confidential at intelligence funds ng mga civilian agency.

Sinabi ni Co ang naging desisyon ng mga senador ay naaayon sa pasya ng Kamara na i-realign ang nasabing pondo.

Dahil dito sinabi ni Co na kaniyang nakikita na magiging suwabe ang gagawing bicameral conference ng mataas at mababang kapulungan.

Naniniwala si Co na ang pagsang-ayon ng mga senador na alisan ng CIF ang mga civilian agency ay magpapabilis sa pag-apruba ng pambansang pondo para sa susunod na taon.

Ang desisyon ng Senado ay napagtibay sa isang caucus ngayong linggo.

Nabatid na mayruong mga ulat na may ilang mga senador ang nais ibalik ang bahagi ng tinapyas na confidential funds ng Kamara.

Kung maalala, inilipat ng Kamara ang confidential funds ng mga civilian office, kasama na ang Office of the Vice President at Department of Education, sa mga ahensya na nakatuon sa national security at pagbibigay ng proteksyon sa interes ng bansa sa West Philippine Sea.

Samantala, ikinalugod naman ng House Committee on Appropriations ang resulta ng OCTA Research Group’s survey kung saan ipinapakita na majority o 57% sa ating mga kababayan ang sumang-ayon sa desisyon ng Kamara na i-realign ang confidential funds ng ilang civilian agency at i-reallocate ito sa mga ahensiyang nakatutok sa pagpapanatili ng national security.

Siniguro naman ni Co na comitted sila sa kanilang pangako na maging responsable sa pangangasiwa sa pananalapi ng bansa.

Ang Kamara ay magpapatuloy sa mga pagsisikap nitong makipag-ugnayan at makipagtulungan sa lahat ng sektor ng lipunan upang makamit ang sama-samang mga adhikain.

Nais kasi ni Speaker Romualdez na ang House of Representatives ang maging tinig ng taumbayan na pakikinggan at mananaig ang kagustuhan ng mga mamamayan.

Lubos namang nagpasalamat si Co sa publiko sa patuloy na pagsuporta sa House of Representatives.