Isinapubliko na ng apat sa 24 na mga senador ang kanilang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth o SALN.
Nauna nang nagboluntaryong naglabas ng kabuuang yaman si Senadora Risa Hontiveros, na nagkakahalaga ng halos P19 milyon.
Sumunod si Senador Robinhood Padilla, na may net worth na P244 milyon, at si Senate President Vicente Sotto III, na may kabuuang ari-arian na P188.9 milyon.
Ikaapat na nagsapubliko ng kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth si Senador Sherwin Gatchalian, na nagkakahalaga ng P89.5 milyon.
Base sa dokumento, walang nakasaad na pagkakautang o liability si Gatchalian.
Dalawang residential condominium units ang nakasaad sa kanyang mga real property na may kabuuang halagang P40.1 milyon.
Mayroon din siyang mga personal na ari-arian, kabilang ang shares of stock, cash in bank, at motorsiklo, na may kabuuang halagang P49.3 milyon.
Sa parehong dokumento, nakasaad din ang kanyang mga business interests, kung saan siya ay nakalista bilang shareholder sa limang kumpanya. Wala namang idineklarang asawa o anak na menor de edad sa kanyang tahanan.
Kasama sa listahan ng mga kamag-anak sa gobyerno ang kanyang mga kapatid na sina Department of Social Welfare and Development Secretary Rex Gatchalian at Valenzuela Mayor Wes Gatchalian.
Magugunitang sinabi ni Gatchalian na kung wala namang itinatago, walang magiging problema sa paglalabas ng Statement of Wealth.
Dagdag niya, wala pa raw siyang tinanggihang indibidwal na humingi ng kopya ng kanyang kabuuang yaman.
Wala rin daw siyang nakikitang security concern sa pagsasapubliko ng ari-arian ng mga opisyal ng gobyerno.
Hinihintay pa ng Bombo Radyo ang pagsumite ng ilan pang senador ng kanilang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth o SALN.















