-- Advertisements --

Nakipag-ugnayan na si Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon upang masuri ang ilang proyekto ng farm-to-market roads (FMR) sa bansa, kasunod ng mga lumalabas na ulat ng umano’y sobrang mahal na costing o overpriced ang mga naturang proyekto.

Ayon kay Dizon, nagsumite na ang tanggapan ng departamento ng agrikultura ng impormasyon at ulat hinggil sa kanilang nalalaman sa ‘farm-to-market’ road projects. Kaya naman tiniyak ng kalihim na ito ay kanilang pag-aaralan na rin sa mga susunod na araw.

Mahalagang matiyak na ang mga proyektong ito ay maayos ang pagkakagawa at tunay na nakatutulong sa mga magsasaka para mapabilis ang pagdadala ng kanilang mga produkto mula sakahan patungong pamilihan.

Bahagi rin ito ng mas malawak na koordinasyon sa pagitan ng DA at DPWH upang maiwasan ang mga depektibong proyekto at masiguro na sulit ang pondo ng gobyerno para sa mga imprastrakturang pang-agrikultura.

Matatandaang ibinunyag ni Senador Sherwin Gatchalian sa pagdinig ng Senate Committee on Finance na mahigit Php 10B na halaga ng farm-to-market projects sa ilalim ng taong 2023 at 2024 national budgets ang umano’y overpriced.

Ayon sa senador, may ilang proyekto na umaabot sa 23 beses ang presyo kumpara sa standard cost na itinakda ng DPWH, habang ang iba naman ay may mark-up na hanggang 70%. Sa ilalim ng panuntunan ng DPWH, ang karaniwang halaga ng FMR ay nasa Php 15,000 kada metro, ngunit may mga proyekto umano na umaabot sa Php 30,000 kada metro.

Lumabas din sa pagdinig na ang tatlong kumpanyang nakakuha ng pinakamaraming proyekto—EGB Construction Corp., Hi-Tone, at Road Edge Trading & Development Services—ay kabilang din sa mga kontraktor na nakatanggap ng pinakamalalaking flood control projects sa bansa, ayon sa ulat na inilabas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Agosto.

Tiniyak ng dalawang ahensya na ito ay kanilang pag-aaralan sa lalong madaling panahon. Maliban sa mga maanomalyang flood-control projects sa bansa na iniimbestigahan, ito rin ang kanilang tututukan upang mapanagot ang mga sangkot kung mapatunayan may problema sa mg proyekto.