Nakikipag-coordinate na ang mga otoridad sa Tarlac sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para mabigyan ng counseling ang batang babae na anak ni P/MSgt. Joel Nuezca.
Matatandaang personal na nasaksihan ng bata ang pamamaril ng kaniyang ama sa maginang sina Sonya at Frank Gregorio, matapos ang kanilang pagtatalo.
Ayon sa mga eksperto, maaaring mukha lang matapang at matatag ang nasabing bata, ngunit maaari nitong dalhin ang nakakagulantang na pangyayari, hanggang sa kaniyang paglaki.
Malaking isyu rin na nakipagsagutan pa ito sa biktima, bago nauwi ang sitwasyon sa madugong pangyayari.
Bukod dito, nakatanggap din ng mabibigat na kritisismo ang dalagita mula sa mga nakapanood ng video.
Maging ang iba pang menor de edad na nakasaksi sa pangyayari ay bibigyan din ng psychosocial interventions para mapawi ang natamong trauma.