-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Hindi pa rin makapaniwala ang Bicolanong 9th placer sa katatapos pa lamang na September 2021 Registered Master Electrician Board Exams.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Jealou Cleofas Clutario, 22-anyos at tubong Tiwi, Albay, labis ang katuwaan sa matagal na hinintay na resulta.

Madugo ang laman ng pagsusulit na hinati sa dalawang bahagi at 60 percent lamang umano ng kaniyang na-review ang lumabas sa exams.

Bilang panganay sa apat na magkakapatid, mahirap umanong pagsabayin ang trabaho bilang procurement expediter sa isang planta sa lalawigan at pagre-review para sa board exams.

Dagdag pa sa hamon kay Clutario ang mental health dahil sa makailang ulit na pagkansela sa pagsusulit na unang itinakda noong April 2020.

-- Advertisement --

Inspirasyon naman ni Clutario sa pagkuha ng kursong BS Electrical Engineering sa Bicol University ang ama na isang electrician at ina na isang housekeeper.

Samantala, magi-exam pa si Clutario sa Electrical Engineer Licensure Examination at may tips naman ito para sa mga susunod na kukuha ng pagsusulit.

Maliban kay Clutario, dalawa pang Bicolano ang nakapasok sa Top 10 ng pagsusulit na sina Kharl Jay Mora Dollesin ng Sorsogon State College na ikapito sa 88.50% rating at Asper Dupan Encinares ng BU sa ikasiyam na pwesto sa 87.50 percent rating.