Inihayag ni US Secretary of State Antony Blinken na determinado ang Estados Unidos na bawasan ang tensyon sa Taiwan Strait para panatilihing ligtas ang rehiyon, kabilang ang Pilipinas, at matiyak ang walang sagabal na pag-access sa pangunahing waterway, kung saan dumaraan ang malaking bulk ng mga barkong pangkalakal o trading ships.
Sinabi ni Blinken sa isang virtual joint press conference kasama si Foreign Secretary Enrique Manalo sa Manila, na ang pagpapanatili ng kapayapaan at katatagan sa buong Taiwan Strait ay mahalaga hindi lamang para sa Taiwan kundi para sa Pilipinas at marami pang ibang bansa.
Aniya, ang nangyayari sa Taiwan Strait ay nakakaapekto sa buong rehiyon at sa maraming paraan ay nakakaapekto sa buong mundo tulad ng West Philippine Sea, na isang kritikal na waterway.
Magugunitang, galit na galit ang China sa pagbisita ni US House Speaker Nancy Pelosi sa Taiwan kung kaya’y nagsagawa ang China ng pinakamalaking military drill nito malapit sa self-governing island noong Huwebes, nagpaputok ng mga live missiles at nag-deploy ng maraming eroplano.
Sinabi ng Japan na limang missiles ang dumaong sa economic zone nito.
Inaasahang tatagal ang Chinese military exercises hanggang Linggo.