GENERAL SANTOS CITY – Nasa pangangalaga pa ng mga kapitbahay ang naulilang tatlong buwang kambal matapos pumanaw ang ina ng mga ito habang nakakulong naman ang kanilang ama.
Sinasabing kagabi nang napatay ng suspek na nagngangalang Rodolfo Bacyano, 34-anyos, ang kanyang live-in partner na si Aileen Yama, 23, kapwa residente ng Purok 6 Lower Labay, Tinagacan, Lungsod ng Heneral Santos.
Ayon kay Police Capt. Nemesio Calipho, hepe ng Tinagacan Police Station, kanilang inaresto ang suspek sa parehong lugar at inamin din naman ang krimen na ugat ng pagtatalo dahil sa hospital bill na P103,000.
Lumalabas pa na nakainom ang suspek nang umuwi sa kanilang bahay, kaya mistulang nilayasan ng biktima bitbit ang kambal nilang anak .
Sinundo naman ng suspek ang kanyang mag-iina at doon na nangyari ang insidente.
Matapos umanong mapatay sa saksak ang biktima, patawa-tawa pa itong lumabas ng bahay at umupo sa damuhang bahagi habang binabantayan ng mga residente bago madakip ng mga otoridad.
Sa ngayon, ay halos wala raw tigil sa pag-iyak ang tatlong buwang kambal at parang hinahanap ang kalinga ng kanilang ina sa kabila nang pag-aliw ng mga kapitbahay.