-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad ukol sa nangyaring pananaga sa bahagi ng Prk. 1-A, Barangay Landan, Polomolok, South Cotabato.

Inihayag ni P/Capt. Randy Apostol, ang deputy chief of police ng Polomolok-Philippine National Police (PNP), na madaling-araw nang mangyari ang insidente na kinasasangkutan ng mag-ama na kinilalang sina Victor Dario, 60-anyos, at anak nitong si Jay-R, 28-anyos na habal-habal driver.

Batay sa imbestigasyon, dinala kasi ng biktima ang kaniyang kabit sa kanilang bahay ngunit nakita ito ng kaniyang anak at kinunan ang dalawa ng larawan.

Matapos nito, nagkaroon ng mainit na pagtatalo ang mag-ama hanggang sa kumuha ng itak si Jay-R at tinaga ang ulo ng kaniyang ama.

Hindi pa nakuntento, kumuha rin ito ng bato at hinampas pa ang biktima.

Kaagad namang isinugod sa ospital ang biktima bago ini-refer sa South Cotabato Provincial Hospital na nasa mabuting kalagayan na.

Habang ang suspek ay nakatakas kaya nagsagawa na ng pursuit operation ang Polomolok-PNP.

Dagdag ni Capt. Apostol, personal grudge ang tinitingnan nilang motibo sa naturang insidente.