Inihayag ng Department of Justice na posible umano nilang gawing ‘state witness’ ang lumantad na testigong akusado hinggil sa 34 nawawalang mga sabungero.
Ayon mismo sa kasalukuyang kalihim ng kagawaran na si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, kanilang ikinukunsidera na gawing state witness ang nakausap na testigo.
Ani kasi niya na ang lumantad na suspek na kinilala bilang si alyas Totoy ay matagal na niyang nakausap noon pang bago mag eleksyon.
Kaya’t sinabi ni Justice Secretary Remulla na kanila ng pinoproseso ang mga impormasyong ibinahagi nito at ilan pang dokumento na hawak umano na nila.
Giit kasi niya na kinakailangang makumpirma at matukoy kung totoo nga bang itinapon o inilibing sa Taal Lake ang mga nawawalang sabungero na dinukot at pinatay umano.
Maaalala na isinawalat ng isang supek na kinilala bilang si alyas ‘Totoy’ na ang mga nawawalang sabungero raw ay inilibing sa Taal Lake.
Kaya’t ang Department of Justice ay agarang inihayag na kanilang hindi isasantabi ang naturang kaso at sinabing inaayos nila ang mga aksyon o hakbang na gagawin.
Kukunin at makikipagtulungan umano ang kagawaran sa Philippine Coast Guard at Philippine Navy para sa diving team nito na siyang magdidiskubre sa mga labi ng nawawalang mga sabungero.
Hindi aniya ito ordinaryong operasyon lamang sapagkat giit ni Secretary Remulla na kakailanganin ang tulong ng technical divers.