Pinagbigyan ng Sandiganbayan Fifth Division ang mosyon ng prosekusyon na amiyendahan ang impormasyong kriminal upang tuluyang ipawalang-sala at alisin si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan bilang co-accused sa mga kasong plunder at graft na kinakaharap ni Sen. Jinggoy Estrada.
Ang naturang hakbang ay may kaugnayan sa umano’y anomalya at kickback scheme sa mga proyektong pangkontrol sa baha.
Una nang inihayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na hihilingin ng kaniyang tanggapan sa huwes na idrop ang mga sakdal laban kay Bonoan upang opisyal itong gawing state witness para sa panig ng pamahalaan.
Maraming grupo naman ang umalma sa hakbang na ito.
Ayon sa youth group na SPARK, dapat mapanagot ang lahat ng sangkot sa katiwalian, dahil pera ng bayan ang nasayang sa kamay ng mga opisyal na sangkot.
















