-- Advertisements --

Kinumpirma ng Department of Justice na kanilang natanggap na ang reklamo laban sa may-ari ng baril na ginamit ng estudyante sa pamamaril kamakailan sa Ateneo de Zamboanga University. 

Ayon kay DOJ Usec. Atty. Ian Norman Dato, Philippine National Police (PNP) ang siyang naghain ng reklamo sa Office of the City Prosecutor ng Zamboanga. 

Aniya’y isasailalim pa ang naturang reklamo sa masusing ebalwasyon ng prosekusyon at inaasahan ang posibleng pag-iisyu ng ‘subpoena’ sa nakarehistrong may-ari ng baril.

Magugunitang noong ika-18 ng Agosto ay naganap ang insidente ng pamamaril sa nabanggit na unibersidad nagresulta sa pagkasawi ng mga estudyante. 

Ibinahagi ng opisyal na ang sinampahan ng reklamong ‘reckless imprudence resulting in homicide and physical injury’ ay ang ama ng estudyanteng namaril sa unibersidad. 

Subalit tumanggi nang kumpirmahin pa ni DOJ Usec. Dato kung ang inireklamong indibidwal ay miyembro o kawani ng Bureau of Customs. 

Aminado siyang sa kasalukuyan ay wala pa silang tiyak na impormasyon patungkol sa rason o pinagmulan ng insidente ng pamamaril. 

Giit naman ni Usec. Dato na ‘case to case basis’ ang paghahain ng reklamo kontra sa nakarehistrong may-ari ng baril sa tuwing may insidente o pangyayari.