-- Advertisements --

Nanindigan si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na wala nang ‘allocables’ sa 2027 proposed national budget.

Ginawa ng kalihim ang pahayag kasunod ng katanungan ni ACT Teachers Party-list Representative Antonio Tinio kaugnay ng ulat ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) na may mga ‘leadership fund’ at ‘allocables’ sa nakalipas na mga taon.

Pero ayon kay Dizon, walang allocable sa panukalang pondo para sa susunod na taon, at hindi na rin ginamit ang parametric formula sa pagbuo ng panukalang budget ng DPWH.

Sa halip na dating formula, ibinatay na aniya ang 2027 DPWH budget sa mga proyektong nagsisilbing prayoridad mismo ng mga distrito at ng mga rehiyon.

Inihalimbawa ng kalihim ang 80% ng mahigit 11,000 proyekto sa panukalang budget ay may endorsement mula sa Regional Development Councils (RDCs) mula sa iba’t-ibang rehiyon sa buong bansa.

Ito ay isang malaking pagbabago kumpara sa mga nakaraang budget kung saan 25% hanggang 30% lamang ng mga proyekto ang may RDC endorsement.

Umaasa ang kalihim na maaaprubahan ang panukalang pondo ng DPWH para sa susunod na taon, dahil nakapaloob dito ang pondo para sa mas maraming mga proyekto, kumpara sa kasalukuyang taon.