-- Advertisements --

Humarap si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa pagdinig sa Pasig Regional Trial Court ngayong araw ng Miyerkules, Mayo 28 kaugnay sa kaniyang kasong qualified human trafficking.

Iprinisenta ng kampo ni Guo ang kanilang mga ebidensiya.

Hindi naman pinangalanan ng abogado ni Guo na si Atty. Nicole Jamilla ang kanilang testigo at hindi rin tinukoy kung ano ang mga partikular na ebidensiyang iprinisenta ng kanilang kampo.

Aniya, kailangan ni Guo na personal na humarap sa korte dahil sila naman ang magprepresenta ng kanilang ebidensiya.

Sinabi din ng abogado ni Guo na ang iprinisenta ng defense team ay parte ng nagpapatuloy na proseso dahil may mga iba pang akusado sa kaso.

Natapos naman ang pagdinig pasado tanghali ngayong araw.

Matatandaan, inakusahan si Guo na may kaugnayan umano sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa Bamban, Tarlac na sangkot umano sa human trafficking na sinalakay ng mga awtoridad noong Marso ng nakalipas na taon. Nagresulta ito sa pagkakasagip ng 371 Pilipino at 497 na dayuhan.