-- Advertisements --

Sinabi ni dating Anakalusugan Party-list Rep. Mike Defensor na wala muna siyang planong magsampa ng kaso laban kay National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag sa kabila ng reklamong qualified human trafficking na isinampa laban sa kanya at sa kanyang pamilya.

Sa panayam ng media sa gitna ng rally ng Iglesia Ni Cristo (INC) sa EDSA People Power Monument noong Martes, Hunyo 30, sinabi ni Defensor na hihintayin na lamang niya ang tamang panahon bago kasuhan si Matibag.

“Sa tamang panahon. Hindi ka naman mananalo sa kaniya ngayon,” ani Defensor.

Idinagdag niya na sa kabila ng kanilang naunang paghahain ng reklamo kasama ang 18 bodyguard ni dating kongresista Zaldy Co, sila pa umano ang i-imbestigahan.

“Hindi ko nga siya kinakasuhan. Nagreklamo nga [kami] kasama no’ng 18 Marines, kami pa ang inimbestigahan. Hindi mo maintindihan kung bakit ganoon,” pahayag ni Defensor.

Noong Hunyo 26, naghain ang NBI ng reklamong qualified human trafficking, isang kasong hindi maaaring piyansahan, laban kina Defensor, kanyang asawa na si Julie Rose Defensor, at kanilang mga anak na sina Michaela at Miguel Gabriel Defensor.

Ayon kay Defensor, nauunawaan niyang maaaring bahagi ng pulitika ang reklamong isinampa laban sa kanya, ngunit sinabi niyang hindi niya maintindihan ang umano’y pagtrato ni Matibag sa institusyon ng NBI.

“Naiintindihan ko, politika, pero hindi ko maintindihan para ibalewala nila ang institusyon ng National Bureau of Investigation para bastusin,” ani Defensor.

Nilinaw rin niya na hindi ang mga kawani ng NBI ang kanyang tinutukoy kundi si Matibag.

“Hindi ‘yong mga NBI, ha, kundi si Atty. Matibag para gawin niya ‘yon sa ahensya at ipahiya rin ang kaniyang mga kawani,” dagdag niya.

Inihayag din ni Defensor na marami umano siyang natatanggap na tawag at mensahe mula sa mga taong galit kay Matibag.

“Marami sa kaniya, galit na talaga. Tumatawag at nagme-message sa akin,” aniya.

Sa ngayon, wala pang inilalabas na opisyal na pahayag si Matibag kaugnay ng mga naging pahayag ni Defensor.