-- Advertisements --

Magpapatuloy ang kampanya ng Filipina tennis star na si Alexandra “Alex” Eala sa tatlong magkasunod na WTA 250 tournaments sa Asia simula sa susunod na linggo.

Kasunod ‘yan ng kanyang paglahok sa US Open, nagtala si Eala ng impresibong mga resulta sa tatlong WTA 125 events kabilang ang pagkapanalo sa Guadalajara 125, semifinals finish sa Jingshan Tennis Open, at quarterfinals sa Suzhou.

Naglaro rin siya sa WTA 250 SP Open sa Brazil kung saan umabot siya sa quarterfinals.

Sa kabila ng pagkabigo sa qualifiers ng Wuhan Open (WTA 1000), nananatiling determinado ang 20-anyos na si Eala, na ngayon ay ranked No. 54 sa mundo, na makabawi sa nalalapit na pagtatapos ng WTA season.

Una siyang sasabak sa Japan Women’s Open, kung saan makakaharap niya ang mga bigating pangalan gaya nina Naomi Osaka, Leylah Fernandez, at Cristina Bucsa—ang huling tumalo sa kanya sa US Open.

Sunod ay ang Guangzhou Open (Oktubre 20–26), at pagkatapos ay tutungo ito sa Hong Kong Tennis Open (Oktubre 27–Nobyembre 2), kung saan posibleng makaharap niya ang mga dati na niyang nakalaban tulad nina Emma Raducanu, Clara Tauson, at iba pang top players.